Home NATIONWIDE Volunteer rescuer utas sa Binaliw landfill

Volunteer rescuer utas sa Binaliw landfill

186
0

MANILA, Philippines – Nangako ang lokal na pamahalaan ng Cebu City na magbibigay ng tulong sa pamilya ng isang rescue volunteer na nasawi dahil sa septic shock matapos tumulong sa search and rescue operations sa gumuho na landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City.

Ang 50-anyos na volunteer mula sa Toledo City ay lumahok sa search, rescue, at retrieval operations kasunod ng naganap na trash slide sa landfill facility.

Ayon sa ulat, nagtamo siya ng mga paltos sa paa habang suot ang protective boots sa operasyon, na kalaunan ay humantong sa pagkakaospital at pagkaka-diagnose ng impeksiyon sa dugo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nagpaabot ng pakikiramay si Cebu City Mayor Nestor Archival sa naulilang pamilya at muling iginiit ang pagtalima sa Days of Mourning sa lungsod bunsod ng pagkamatay ng 36 na landfill workers na natabunan ng basura sa insidente.

Sinabi ng pamahalaang lungsod na sinusuportahan nito ang imbestigasyong isinasagawa ng Department of Environment and Natural Resources at nangakong bibilisan ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya, kabilang ang pangmatagalang suporta.

Naganap ang trash slide sa landfill noong Enero 8, 2026. Kinumpirma ng mga awtoridad na natagpuan ang lahat ng 36 na biktima ilang oras bago ang pormal na pagbubukas ng Sinulog Festival noong Enero 18, 2026, matapos marekober ang bangkay ng huling nawawalang manggagawa bandang madaling-araw ng araw na iyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here