MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar “Egay” Erice na umaasa siyang hindi pipigilan ng ‘garbage’ impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ang mas matitibay na mga reklamo na maaaring ihain sa mga susunod na araw.
Inanunsyo ni Erice, senior deputy minority leader, sa isang press conference noong Martes, Enero 20, na mayroong hindi bababa sa dalawang grupo na nagsumite na ng hiwalay na impeachment case laban sa Pangulo.
Binatikos ni Erice ang reklamo na isinampa noong Lunes ni abogado Andre de Jesus, na tinawag niyang “garbage.”
Ayon sa mambabatas, ang 15-pahinang reklamo ay walang ebidensiya maliban sa mga artikulong pangbalita at kulang sa porma at substansiya.
Nang tanungin kung ito ay sadyang inihain upang paboran si Marcos, sinabi ni Erice na hindi niya alam ang motibo ni de Jesus, ngunit nagbabala siyang huwag sana itong maging hadlang sa mas maayos na mga impeachment complaint.
Ayon sa Konstitusyon, hindi maaaring mag-umpisa ang Kongreso ng higit sa isang impeachment complaint laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon, patakarang idinisenyo upang maiwasan ang pang-aabuso ngunit maaaring gamitin upang ihain muna ang mahina o “watered-down” na reklamo.
Ibinunyag din ni Erice na may mga mas substansiyal na impeachment raps na inihahanda, kabilang ang sa Makabayan bloc.
Sinabi niyang inimbitahan siyang maging endorser ngunit tumanggi, at binanggit na mahirap ang paghahanda ng complaint dahil sa dami ng dokumento, gaya ng nakita sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte noong 19th Congress.
Aniya, “Pag na-refer na ito sa Committee on Justice, ay wala na ibang pwedeng makapag-file ng impeachment sa—sana hindi nito mapigilan.”
Magsisimulang muli ang plenary sessions ng House of Representatives sa Enero 26 matapos ang buwan na pahinga. RNT