MANILA, Philippines – NAGHAIN ng kasong kriminal na cyberlibel si Manila 2nd District Representative Rolando M. Valeriano, miyembro ng National Unity Party (NUP), laban kay Cavite Representative Francisco “Kiko” A. Barzaga kaugnay ng isang viral na post sa social media na umaakusa sa mga mambabatas ng NUP na tumanggap umano ng suhol kapalit ng suportang pulitikal.
Batay umano sa social media post ni Barzaga, inakusahan nito ang mga kongresista ng NUP na tumanggap ng umano’y suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon sa iba’t ibang pagtitipon sa Solaire bago ang halalan noong 2025. Ayon sa post, ang nasabing mga suhol ay kapalit umano ng pagsuporta sa muling pagkapangulo ni Speaker Martin Romualdez.
Sa panayam ng mga miyembro ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) kay Valeriano, sinabi nito na isang tuwirang pampublikong akusasyon ng panunuhol laban sa malinaw at makikilalang mga miyembro ng NUP, na walang sapat na ebidensya at inilathala sa isang social media platform na madaling maabot ng publiko, dahilan upang lalo pang masira ang reputasyon ng mga mambabatas.
Iginiit sa paghahain ni Valeriano na ang naturang post ay bumubuo ng Cyber Libel na may parusa sa ilalim ng Seksyon 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, kaugnay ng Artikulo 353 at 355 ng Revised Penal Code ukol sa libelo.
Dagdag pa ni Valeriano, ang post ay ginawa umano nang may masamang hangarin at may lubos na pagwawalang-bahala sa katotohanan, binibigyang-diin na walang anumang patunay na iniharap upang suportahan ang mabibigat na akusasyon.
Aniya, ang malawakang paratang ng kriminal na gawain na ipinapakalat online bilang katotohanan ay lubhang nakapipinsala, lalo na sa panahong sinusubukang buuing muli ng pamahalaan ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.
“Ang mga walang basehang akusasyon ng panunuhol ay hindi simpleng komentaryong pulitikal,” ayon kay Valeriano. “Ito ay mga paratang ng kriminal na gawain na ipinapahayag sa publiko na para bang napatunayan na. Kung sinasabi mong may mga mambabatas na nasuhulan, tungkulin mong patunayan ito. Kung hindi, ito ay isang malisyosong pag-atake na layong sirain ang aming reputasyon.”
Binigyang-diin ni Valeriano na ang naturang akusasyon ay hindi lamang laban sa isang indibidwal kundi laban sa isang malinaw at makikilalang grupo—ang mga miyembro ng NUP sa Mababang Kapulungan. Dahil dito, aniya, ang pag-atake ay hindi lamang personal kundi institusyonal.
“Ito ay isang paglapastangan sa buong NUP, hindi lamang sa isang miyembro,” ani Valeriano. “Layunin nitong dungisan ang isang buong bloke ng mga mambabatas sa pamamagitan ng isang malawakang paratang, na walang ebidensya, walang beripikasyon, at walang pananagutan.”
Sinabi rin ng mambabatas mula Maynila na ang paghahain ng kaso ay isinagawa sa panahong kinakailangang pangalagaan at hindi pahinain ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.
Idinagdag pa ni Valeriano na ang iba pang miyembro ng NUP na apektado ng parehong post ay nagsasagawa rin ng kani-kanilang legal na hakbang, na nagpapakita ng pagkakaisa ng partido sa pagtatanggol sa mga kasapi nito at sa pangangalaga ng integridad ng institusyon. Ang NUP ay kasalukuyang ikalawang pinakamalaking partidong pulitikal sa House of Representatives. JAY Reyes