MANILA, Philippines – Inaasahan na ni Bise Presidente Sara Duterte ang pagbabalik ng impeachment complaint laban sa kanya at inakusahan ang mga nasa likod nito na kumikilos dahil sa pera.
Sa isang panayam noong Lunes, Enero 19, sa The Hague, sinabi ni Duterte na magiging katulad ito ng mga nakaraang kaso kung saan umano’y ginagamit ng ilang miyembro ng House of Representatives ang pagpirma sa impeachment bilang paraan ng fundraising.
“It’s all about the money diyan,” dagdag niya.
Wala pang pormal na usapan tungkol sa bagong impeachment complaint, ngunit dati nang nagpahiwatig ang ilang kritiko at kalabang politikal na maaari silang magsampa kapag natapos na ang one-year ban.
Noong Hulyo 2025, idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ang impeachment complaint na isinampa laban kay Duterte noong Pebrero dahil nilabag nito ang karapatan sa due process. Sinabi ng Korte na maaari lamang magsampa ng susunod na impeachment complaint simula Pebrero 6, 2026.
Wala pa ring komento si Duterte tungkol sa impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos, na dati niyang alyado.
“Sa ngayon, wala pa. Antayin natin ang mga susunod na mga araw kung meron akong reaction,” ani Duterte. Santi Celario