Home HOME BANNER STORY Walang VIP treatment: Revilla sasailalim sa 7-araw na medical quarantine bago ihalo...

Walang VIP treatment: Revilla sasailalim sa 7-araw na medical quarantine bago ihalo sa ibang PDLs

206
0

MANILA, Philippines – Mananatili si dating senador Bong Revilla Jr. sa isang 47-square-meter na pasilidad ng kulungan sa Payatas, Quezon City na may kapasidad para sa 10 katao, kasunod ng utos ng Sandiganbayan na siya ay ikulong, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

May palikuran at banyo ang selda, subalit ang mga divider ay hanggang dibdib lamang para sa seguridad. Bago siya isama sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs), isasailalim muna si Revilla sa medical quarantine na maaaring tumagal ng hanggang pitong araw.

“After assessment, titignan po natin. Pero definitely hindi po puwedeng mag-isa sa isang selda, may makakasama siya,” ayon kay BJMP spokesperson J/Supt. Jayrex Bustinera.

Iginiit ng BJMP na walang special o VIP treatment na ibibigay kay Revilla.

“Commitment po ng BJMP ‘yan na walang VIP treatment na mangyayari kahit kanino pong PDL ‘yan. Talaga pong nasa policy namin na bawal ‘ho talaga ‘yan. Kung may mapatunayan na gagawa niyan eh kakasuhan po natin at mananagot,” ani Bustinera.

Katulad ng ibang PDLs, P100 lamang ang daily allowance ni Revilla para sa pagkain.

“Pero kung may dala ang kanilang dalaw ay karapatan naman nila, basta lutong pagkain at subject for inspection ng ating BJMP personnel,” dagdag ni Bustinera.

Ipinagbabawal din ang pagkakaroon ng cellphone at anumang electronic gadgets sa loob ng kulungan, at susunod si Revilla sa regular visiting hours mula Martes hanggang Linggo. Matapos ang booking procedure at pagkuha ng mugshot, binigyan siya ng dilaw na BJMP t-shirt na isinusuot ng lahat ng PDLs.

Noong Lunes, naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Revilla at anim na iba pa kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sumuko si Revilla noong Lunes ng gabi sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame at nauna niyang ipinahayag ang pagkadismaya sa paglalabas ng arrest warrant at HDO.

May pitong opisyal ng Department of Public Works and Highways ang nakakulong na sa parehong pasilidad mula Nobyembre 2025 dahil sa umano’y anomalous flood control project sa Oriental Mindoro.

Inaasahang makakasama rin ni Revilla sa kulungan ang apat niyang co-accused sa kasong malversation—ang mga dating DPWH Bulacan engineers na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at finance section chief Juanito Mendoza. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here