MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Embassy sa Denmark na walang dapat ikabahala sa kasalukuyang tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Greenland, ngunit patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon kasabay ng koordinasyon sa mga awtoridad ng Denmark at Greenland.
Sa isang pahayag, sinabi ng embahada na handa silang tumugon at magbigay ng tulong kung kinakailangan, at hinimok ang mga Pilipino na manatiling kalmado, maingat, at umasa sa opisyal at kredibleng mga impormasyon.
Paalala rin nito sa mga Pilipino sa Greenland na sundin ang lokal na advisories, panatilihing regular ang komunikasyon sa embahada, at magparehistro sa updated directory upang madaling makontak sakaling may emergency.
“The Embassy remains committed to safeguarding the welfare of all Filipinos in Greenland and will continue to provide updates, as deemed necessary,” ayon sa pahayag.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, as of June 2025, may 1,110 Pilipinong naninirahan sa Greenland, kung saan 695 ang nasa Nuuk, ang kabisera.
Ang kasalukuyang kaguluhan ay bunga ng pagsisikap ni U.S. President Donald Trump na ilagay ang Greenland sa kontrol ng Estados Unidos, na nag-udyok sa mga protesta sa labas ng U.S. Embassy sa Denmark at ng konsulado nito sa Greenland.
Sinabi naman ng mga awtoridad ng Denmark na paiigtingin nila ang depensa sa Greenland sa ilalim ng NATO at tinanggihan ang pagsisikap ni Trump na sakupin ang isla. Dave Baluyot