Home HOME BANNER STORY Online sumbungan vs kamote drivers, ilulunsad ng LTO

Online sumbungan vs kamote drivers, ilulunsad ng LTO

242
0

MANILA, Philippines – Maglulunsad ang Land Transportation Office (LTO) ng isang website at Facebook page para sa mga reklamo laban sa mga pasaway na motorista at maging sa mga tauhan ng ahensiya, ayon kay LTO chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao nitong Martes.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Lacanilao na tatawagin ang portal na “Isumbong Mo Kay Chief” at inaasahang ilulunsad sa susunod na linggo.

Bagama’t tumatanggap na ng mga sumbong ang kasalukuyang Facebook page ng LTO, kadalasan ay laban lamang sa mga traffic violator, saklaw ng bagong portal ang mga reklamo laban sa mga pasaway na kawani ng ahensiya.

Ayon kay Lacanilao, siya mismo ang tumitingin sa mga sumbong upang matiyak na agad itong maaaksyunan, at makatutulong din ang portal upang maiwasan ang pag-leak ng impormasyon, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa mga tauhan ng LTO.

Aniya, dumarami ang mga motoristang walang disiplina sa kalsada kaya hinihikayat ang publiko na magsumite ng video o larawan ng mga paglabag.

Nagbabala rin ang opisyal na mas mabibigat na parusa ang ipapataw sa mga motoristang sangkot sa pananakit, lalo na kung may nasawi, na maaaring humantong sa pagbawi ng kanilang lisensiya.

Nitong mga nakalipas na araw, sunod-sunod na show cause order ang inilabas ng LTO laban sa mga driver na sangkot sa mga fatal at viral na insidente, pati na rin sa isang kawani ng gobyerno na umano’y nanakit ng kapwa motorista. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here