MANILA, Philippines – Laglag sa kulungan ang isang lalaking leader ng criminal gang na wanted sa kaso ng robbery nang maaresto ng pulisya sa manhunt operation sa Malabon City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang pagtugis sa 37-anyos na akusado na wanted sa dalawang bilang na kasong robbery with intimidation against person.
Ang akusado, na residente ng Navotas City, ay nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Navotas-PNP.
Nakorner ng pinagsamang puwersa ng DSOU, Northern District Intelligence Team – Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU NCR) at WSS Navotas CPS ang akusado sa Block 17, Brgy. Longos, Malabon City.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 286, Navotas City, noong December 2, 2025, na may inirekomendang piyansa na P100,000 bawat bilang.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Merly Duero)