MANILA, Philippines – Naaresto ang limang Chinese nationals sa San Simon, Pampanga noong Lunes matapos makumpiska ang mahigit P1.6 milyong halaga ng unregistered energy at chocolate milk drinks mula sa isang warehouse, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng PNP na ang mga dayuhan ay inaresto dahil sa umano’y ilegal na paggawa at pamamahagi ng mga produktong pagkain na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA). Narekober ang higit 1,000 cases ng energy drinks at mahigit 3,000 kahon ng chocolate milk drinks na nagkakahalaga ng P1.619 milyon.
Ang mga unregistered na produkto, na ayon sa PNP ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan, ay pansamantalang isinailalim sa kustodiya habang isinasagawa ang legal na proseso.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y malawakang bentahan ng unregistered food products. Inihayag ng awtoridad na nakumpirma nilang ang warehouse ay sangkot sa malakihang paggawa ng pagkain nang walang rehistrasyon sa FDA.
Isang indibidwal na konektado sa operasyon ang kasalukuyang nasa laylayan.
“Ang ating trabaho ay hindi lamang pagpapatupad ng batas kung di pagprotekta sa kalusugan ng bawat Pilipino. We will not allow unregistered or unsafe products to reach our communities,” pahayag ni PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Hinimok ni Nartatez ang publiko na tiyaking naka-check ang FDA registration bago bumili, at nagbabala na ang mga unregistered na produkto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
“Laging i-check ang FDA registration ng inyong binibili. If a product is unregistered, it may pose health risks. Huwag natin hayaang mapahamak ang ating pamilya at komunidad,” ani Nartatez.
Ayon sa PNP, inihahanda na ang mga kaso para sa paglabag sa Republic Act 9711 o FDA Act of 2009 at sa Philippine Immigration Act laban sa mga inarestong dayuhan. RNT