MANILA, Philippines – Umabot sa P3.92 milyong halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo ang nasamsam sa isang routine checkpoint sa Parang, Maguindanao del Norte noong Martes ng umaga, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ang operasyon ay isinagawa ng mga yunit ng PNP at Bureau of Customs (BOC) Sub-Port of Parang nang i-flag ang isang puting wing van truck sa Barangay Pinantao bandang 11:30 a.m.
Matapos ang inspeksyon, natuklasang sadyang itinago ang malaking bilang ng sigarilyo sa loob ng pader at sahig ng sasakyan.
Dahil hindi naipakita ng driver ang dokumento na nagpapatunay sa legalidad ng kargamento, naaresto ang dalawang lalaking sakay ng sasakyan, edad 42 at 48.
Narekober ang 4,582 reams ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P3.92 milyon.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo at ang sasakyan ay nasa kustodiya ng Parang Municipal Police Station habang hinihintay ang turnover sa BOC at pagsasampa ng kaso.
“Smuggling is not a victimless crime – it deprives the government of revenue and fuels other illegal activities. Malinaw ang mensahe natin: walang puwang ang mga naglalakas-loob na lumabag sa batas, at hindi titigil ang kapulisan sa pagtupad ng tungkulin nito,” ani PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek para sa paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at iba pang batas.
Pinuri ni Nartatez ang mga operating units at sinabi niyang ipinapakita ng operasyon na kapag nakatuon sa intelligence at field presence, maaaring mapigilan ang mga kriminal na gawain na sumisira sa ekonomiya at sa mamamayan.
“Patuloy naming paiigtingin ang mga hakbang para mapigilan ang ganitong uri ng ilegal na gawain at mapanagot ang mga sangkot,” dagdag niya. RNT