Home NATIONWIDE DFA nagpahayag ng buong suporta sa mga opisyal ng gobyerno na nagtatanggol...

DFA nagpahayag ng buong suporta sa mga opisyal ng gobyerno na nagtatanggol ng soberanya ng Pinas

203
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules ang buong suporta sa mga halal na opisyal ng Pilipinas at mga institusyon ng pamahalaan na ipinagtatanggol ang soberanya, soberanyang karapatan, at hurisdiksyon ng bansa, sa kabila ng mga babala at protesta mula sa Tsina.

Ang pahayag ay lumabas matapos magbabala ang isang tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na ang ilang opisyal ng Pilipinas na nagpapalaganap ng “disinformation” ay “pay the price.”

Ayon naman sa embahada ng Tsina sa Maynila, nagsampa ito ng diplomatic protest laban kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea, dahil sa kanyang mga post sa social media na pumupuna sa mga lider ng Tsina.

Binatikos din ng Tsina ang ilang mambabatas na Pilipino na tumuligsa sa mga agresibong aksyon ng Beijing sa West Philippine Sea, bahagi ng South China Sea na inaangkin din ng Tsina bilang teritoryo nito.

Noong 2025, nagpataw ng mga sanction ang Tsina laban sa dating senador na si Francis Tolentino at ipinagbawal siyang pumasok sa mainland China at mga espesyal na rehiyong administratibo nito, kabilang ang Hong Kong at Macau, dahil sa umano’y “egregious conduct on China-related issues.”

Inulit ng DFA na mas mainam na ang pagresolba ng mga hidwaan ng estado ay sa pamamagitan ng itinatag na diplomatic channels kaysa sa publikong palitan. Idinagdag din nito na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagsasagawa ng posisyon nito sa West Philippine Sea at South China Sea na nakabatay sa pandaigdigang batas, kabilang ang 1982 UNCLOS at ang 2016 South China Sea Arbitral Award.

Bumaba ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina sa pinakamababang antas nitong mga nakaraang taon matapos ang mga insidente kung saan ginamit ng mga barko ng Chinese Coast Guard, Navy, at umano’y maritime militia ang high-pressure water cannons at mapanganib na maritime maneuvers laban sa mga sasakyang Pilipino.

Noong 2016, pinawalang-bisa ng isang arbitral tribunal sa The Hague ang malawak na pag-angkin ng Tsina sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here