DAVOS, Switzerland — Biglang umatras si U.S. President Donald Trump mula sa mga banta ng taripa at posibleng pag-angkin ng Greenland, at inihayag na may naabot nang “framework” para sa isang kasunduan na magtatapos sa pagtatalo tungkol sa Danish territory.
Sa kanyang pagbisita sa World Economic Forum sa Davos, sinabi ni Trump na hindi na gagamitin ang puwersa, at na may papalapit nang deal na makatutugon sa kanyang interes na magkaroon ng “Golden Dome” missile-defense system at access sa critical minerals, habang pipigilan ang paglawak ng impluwensiya ng Russia at China sa Arctic.
“It’s a deal that everybody’s very happy with,” ani Trump matapos ang pagpupulong kay NATO Secretary General Mark Rutte. “It’s a long-term deal. It’s the ultimate long-term deal.”
Ayon sa isang NATO spokesperson, magtutulungan ang pitong NATO allies sa Arctic upang tiyakin ang kolektibong seguridad.
Sinabi rin ng NATO spokesperson na magpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng Denmark, Greenland, at Estados Unidos upang matiyak na hindi makakakuha ng puwang ang Russia at China — sa ekonomiya man o militar — sa Greenland.
Sa kanyang post sa Truth Social, inihayag ni Trump na nabuo na ang “framework of a future deal” ukol sa Greenland at buong Arctic Region, at dahil dito, hindi na ipatutupad ang taripa na nakatakdang ipatupad sa Pebrero 1.
Binigyang-diin naman ng Denmark na dapat idaan sa pribadong diplomasiya ang usapin at hindi sa social media.
“It’s crucial for us that we get to end this with respect for the integrity and sovereignty of the kingdom of Denmark and the right of the Greenlandic people to self-determination,” ani Denmark Foreign Minister Lars Lokke Rasmussen.
Inihayag din ni Trump na itinalaga niya sina Vice President JD Vance, Secretary of State Marco Rubio, at special envoy Steve Witkoff para sa karagdagang pag-uusap.
Dati nitong araw, sinabi ni Trump na hindi na kailangan ng puwersa at pinabulaanan ang haka-haka na gagamitin nito ang militar.
“People thought I would use force, but I don’t have to use force. I don’t want to use force. I won’t use force,” ani Trump.
Ang pagbabagong postura ni Trump sa taripa ay nagdulot ng pag-akyat sa stock market, kung saan tumaas ang S&P 500 index ng 1.2%. RNT