Home NATIONWIDE Remulla sa retirement issue ni Torre: Bawal doble-sahod sa gobyerno

Remulla sa retirement issue ni Torre: Bawal doble-sahod sa gobyerno

177
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Interior Secretary Jonvic Remulla  na ipinagbabawal ang pagkuha ng doble sweldo ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga pulis, kasunod ng mga tanong tungkol sa optional retirement ni dating PNP chief Nicolas Torre III.

Ayon kay Remulla, bawal na may hawak na dalawang posisyon sa gobyerno nang sabay.

“He’s wrong, bawal ‘yan. You cannot hold two government positions at the same time,” ani Remulla.

Dagdag pa niya, kung patuloy pang tumatanggap si Torre ng sweldo mula sa PNP habang kumikita rin sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kailangan niyang isauli ang sweldo mula sa dating posisyon.

Nauna nang sinabi ni Torre, na kasalukuyang general manager ng MMDA, na hindi siya nag-file o pumirma ng aplikasyon para magretiro mula sa PNP, kahit na mayroong resolusyon na nag-apruba sa kanyang optional retirement.

Ayon kay Remulla, nasa Malacañang na ang usapin, at hindi maaaring pilitin si Torre na magretiro kung hindi niya pinirmahan ang kinakailangang dokumento.

“Hindi siya nagre-retire so wala naman kaming magagawa. Hindi naman kami pwedeng mamilit sa tao. Pero sabi niya hindi pa raw niya napipirmahan e, so hindi ko alam ang kwento niya,” ani Remulla.

Aniya, kasama sa retirement package na ibinigay kay Torre ang lump sum na humigit-kumulang P7.5 milyon at buwanang pensiyon na tinatayang P190,000 habang buhay, batay sa Salary Standardization Law.

Sinabi rin ni Remulla na nabigyan ng clearance si Torre ng National Police Commission (NAPOLCOM) ngunit kailangan pa ng clearance mula sa Office of the Ombudsman dahil sa mga iniulat na kaso ng harassment. Inihayag ng NAPOLCOM na ipso facto nang nag-resign si Torre matapos siyang italaga sa MMDA.

Nang tanungin kung imbitado pa si Torre sa inaasahang donning of rank at flag turnover para kay acting PNP chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sinabi ni Remulla na inaasahan nilang naroroon si Torre.

“Of course, kung pwede lang nga siya na magbigay ng ano, ‘yung flag turnover, we wanted him to be there to make it more formal.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here