MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Korte Suprema sa mga pumasa sa 2025 Bar Examinations para matiyak ang pantay na access sa hustisya, lalo na sa mga mahihirap.
Sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvin M.V.F. Leonen na huwag maging kampante at magsikap na maging mas mahusay na lingkod-bayan.
Ang panawagan ni Leonen ay inihayag sa isinagawang General Assembly at inauguration ng historical marker ng Bar Examinations Markers sa University of Makati.
Binigyang-diin ni Leonen ang responsibilidad ng mga bagong abogado na maglingkod nang may integridad at malasakit sa publiko.
Ibinahagi rin niya ang karanasan bilang tagapangulo ng 2020–2021 Bar Examinations na isinagawa sa gitna ng pandemya ng COVID-19, na nagbunsod sa ganap na digitalisasyon at regionalisasyon ng pagsusulit.
Kalaunan, inampon at pormal na isinabatas ng Korte Suprema ang modelong ito bilang pamantayan sa ilalim ng 2025 Amendments sa Rule 138 ng Rules of Court.
Bahagi aniya ang mga repormang ito ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027 na naglalayong gawing moderno, episyente, at mas inklusibo ang sistema ng hustisya.
Pinuri rin ang pamunuan ng University of Makati at ang lokal na pamahalaan ng Makati City sa suporta sa makasaysayang pagpapatupad ng digital at regionalized Bar Examinations.