Iniharap sa mga media ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang Russian-American content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nambastos ng ilang Filipino at ginawa pa nitong content habang bumibisita sa bansa.Nilinaw ni Sec. Remulla na hindi basta ipapadeport ng pamahalaan ang vlogger na idineklara nang ‘undesirable alien’ at nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ ng Bureau of Immigration.Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng vlogger sa bansa. Habang nasa harap ng media ay patuloy ang ginagawa nitong pang-iinis at pang-aasar sa harap mismo ni DILG Sec. Remulla. VAL LEONARDO
MANILA, Philippines – NANGAKO ang Malakanyang na pananagutin ang iba pang posibleng responsable sa ginawang pagre-record ng content ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy habang nakadetine sa Bureau of Immigration (BI) facility.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga video na kinunan habang nakadetine si Vitaly ay ginawa noong mga unang araw ng kanyang pagkakaaresto.
“Tatlo po natanggal na immigration officials at marami na-confiscate na ng cellphones.”
“Pero kung may iba na maaari masabi natin na nagkakaroon ng kakulangan, paiimbestigahan pa po ito at kailangan matanggal ang dapat matanggal sa posisyon kung merong pang-aabuso,” dagdag na wika nito.
Aniya pa, nakipag-ugnayan na ang Malakanyang sa BI upang matiyak na sinusunod ang mga wastong pamamaraan sa detention facilities at mapigilan ang mga lapses sa protocol.
Magpapatuloy aniya ang imbestigasyon hangga’t ang lahat ng lapses ay natugunan at naipatupad ang naaangkop na mga hakbang para mapigilan na muli itong maulit.
Sa ulat, inaresto si Vitaly ng mga awtoridad dahil sa umano’y pangbabastos at panggugulo sa mga Pinoy para sa kaniyang content.
Naipa-deport na siya pabalik sa Russia at hindi na papayagang makabalik muli sa Pilipinas. Kris Jose