MANILA, Philippiens – Sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes na maghahain sila ng ethics complaint laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga susunod na buwan dahil sa hindi nito pagdalo sa mga sesyon ng Senado.
“We will be filing an ethics case against him kase tuloy-tuloy ‘yung ano, ang pagpondo ng gobyerno sa kanyang opisina pero without any reason ay hindi siya pumapasok,” pahayag ni Trillanes sa Balitanghali.
Ayon pa sa kanya, binibigyan pa nila ng panahon si Dela Rosa sakaling magbago ito ng isip, at iginiit na “Otherwise, dereliction of duty ito.”
Hindi pa dumadalo si Dela Rosa sa anumang plenary session ng Senado mula noong Nobyembre 2025 matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inilabas umanong warrant of arrest ang International Criminal Court laban sa senador.
Tinapos ni Dela Rosa ang kanyang pananahimik nitong Miyerkules sa paggunita ng kanyang ika-64 na kaarawan, kung saan sinabi niyang siya ay “waiting.”
Ipinahayag din ni Trillanes na ang impormasyong ibinibigay niya kaugnay sa kinaroroonan ni Dela Rosa ay umano’y nailalabas ng mga kontak nito sa Philippine National Police.
“May mga nakukuha tayong impormasyon. Pinapasa natin… pero alam ninyo, sa dami ng contacts ni Bato dyan sa PNP eh.. nile-leak lang nila. so I think yung pinaka effective dito yung signal intelligence para ma-track siya kasi he’s been communicating with his family,” aniya. RNT