MANILA, Philippines — Maglulunsad ng sunod-sunod na inspeksyon sa Visayas at Mindanao si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa susunod na linggo bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga pumalyang infrastructure projects sa bansa.
Ayon kay Dizon, kabilang sa kanyang bibisitahing lugar ang Cebu at Davao, at muli rin niyang tatahakin ang Maharlika Highway, mula Bicol patungong Visayas, upang personal na suriin ang kalagayan ng mga kalsada at tulay.
Ibinahagi ng kalihim na marami pa ring sirang lansangan at mga tulay na hindi natatapos, lalo na sa ilang bahagi ng Mindanao, na kinakailangang agarang ayusin upang hindi na lalong maapektuhan ang mga mamamayan.
Nilinaw rin ni Dizon na hindi lamang flood control projects ang saklaw ng kasalukuyang imbestigasyon ng DPWH, kasunod ng mga isyung may kinalaman sa maling grid coordinates ng ilang proyekto.
“Tuloy-tuloy ang aming mga imbestigasyon at sa mga susunod na linggo ay may mga bagong kasong ihahain sa Office of the Ombudsman,” aniya, sabay-diin sa pangangailangang alisin ang manipulasyon at panghihimasok ng tao sa sistema ng ahensya.
Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng transparency portal ng DPWH upang mabantayan ng publiko ang mga proyekto ng pamahalaan.
Kasabay nito, tinalakay rin ni Dizon ang mga repormang ipinatutupad sa loob ng ahensya, partikular ang pagsusulong ng merit-based system sa pagre-recruit at promosyon ng mga kawani.
Ayon sa kanya, hindi na dapat umiral ang palakasan o personal na koneksyon sa pananatili o pag-angat sa serbisyo, lalo na kung may kakulangan sa performance ang isang opisyal o empleyado. RNT/JGC