AUSTRALIA — Isang 12-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos atakehin ng pating sa Sydney Harbour, ayon sa pahayag ng kanyang pamilya nitong Sabado, Enero 24.
Kinilala ang biktima na si Nico Antic, na inatake habang tumatalon sa mga bato kasama ang kanyang mga kaibigan sa Vaucluse, humigit-kumulang siyam na kilometro mula sa sentro ng Sydney.
Agad siyang hinila palabas ng tubig at dinala sa ospital matapos magtamo ng malubhang sugat sa magkabilang binti.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamilya ni Nico na labis ang kanilang pagdadalamhati sa kanyang pagpanaw, at inilarawan ang bata bilang masayahin, palakaibigan, at mahilig sa sports.
Kasunod ng insidente, pansamantalang isinara ang ilang dalampasigan sa Sydney at iba pang bahagi ng silangang Australia matapos ang sunod-sunod na pag-atake ng pating sa loob ng dalawang araw.
Ayon sa mga awtoridad, lumabo ang tubig dahil sa malakas na ulan, na posibleng nakaakit sa mga pating.
Noong Setyembre, isang surfer ang nasawi rin sa pag-atake ng pating sa Long Reef Beach sa Sydney.
Batay sa datos ng mga conservation groups, umaabot sa humigit-kumulang 20 shark attacks kada taon sa Australia, ngunit mas kaunti sa tatlo ang nauuwi sa pagkamatay. RNT/JGC