MANILA, Philippines — Ilalabas na ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) sa Enero 26 ang kanilang pinal na ulat hinggil sa tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas matapos ang tatlong taong pag-aaral.
Inaasahang ihaharap ang ulat sa Kamara, kung saan ilalatag ng komisyon ang mga pangunahing suliranin sa edukasyon at ang mga panukalang reporma upang tugunan ang mga ito.
Ayon sa Edcom 2, magsisilbi ang ulat bilang isang komprehensibong pagsusuri na magsisilbing gabay ng mga mambabatas at policy makers sa pagbuo ng mga susunod na hakbang para sa sektor ng edukasyon.
Pinamagatang “Turning Point: A Decade of Necessary Reforms,” ang ulat ay itinuturing ng komisyon bilang kauna-unahang pinag-isang 10-taong roadmap para sa edukasyon sa modernong kasaysayan ng bansa, saklaw ang mga reporma sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) mula 2025 hanggang 2035.
Kabilang sa mga natuklasan ng Edcom 2 ang matinding pagbagsak ng learning proficiency ng mga mag-aaral — mula 30.52 porsyento sa Grade 3 ay bumaba ito sa 0.47 porsyento pagdating ng Grade 12.
Tinukoy rin ng komisyon ang datos ng Philippine Statistics Authority na nagpapakita na 70.8 porsyento lamang ng mga Pilipinong edad 10 hanggang 64 ang itinuturing na functionally literate, na anila’y patunay ng lalim ng krisis sa edukasyon.
Tinalakay rin sa ulat ang suliranin ng childhood stunting, kung saan 23.6 porsyento ng mga bata ang apektado, na maaaring magdulot ng permanenteng pinsala sa pag-unlad ng utak sa unang 1,000 araw ng buhay.
Ilan din sa binigyang-diin ang mabibigat na hamong kinakaharap ng mga guro, kabilang ang pressure na ipasa ang mga estudyanteng hindi pa handa, bunsod ng mga administratibong hadlang at takot sa posibleng parusa mula sa mga nakatataas.
Kasama rin sa pagsusuri ang isyu ng tinaguriang “diploma mills,” kakulangan sa mga silid-aralan, at limitadong learning resources sa early childhood education, pati na rin ang kakulangan ng saklaw ng nutrisyon para sa mga batang edad zero hanggang apat.
Bilang tugon, inirekomenda ng Edcom 2 ang isang National Education and Workforce Development Plan na nakatuon sa pangmatagalang reporma sa halip na panandaliang solusyon.
Layunin ng plano na bigyang-priyoridad ang early childhood education, literacy at numeracy sa mababang baitang, pagluwag ng classroom congestion, at mas maayos na pagsasanay at edukasyon para sa mga guro.
“We cannot solve a generational crisis with band-aid solutions,” ayon kay Edcom 2 executive director Karol Mark Yee. “Matagal nang hindi umuusad ang proficiency rates, at malinaw na kailangan ng malalim at tuluy-tuloy na reporma.”
Dagdag pa niya, ang krisis sa edukasyon ay hindi lamang usapin ng datos kundi may direktang epekto sa kinabukasan at produktibidad ng milyun-milyong kabataang Pilipino. RNT/JGC