Home HOME BANNER STORY Wage hike ‘top national concern’ ng mayorya ng mga Pinoy – OCTA...

Wage hike ‘top national concern’ ng mayorya ng mga Pinoy – OCTA survey

299
0

MANILA, Philippines — Itinuturing ng mayorya ng mga Pilipino na ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa ang pinakamahalagang pambansang isyung dapat tugunan ng pamahalaan, ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research.

Batay sa Tugon ng Masa survey ng OCTA sa ikaapat na quarter ng 2025, 45 porsyento ng mga respondent ang nagsabing ang pagpapabuti at pagtaas ng sahod at kita ng mga manggagawa ang kanilang pangunahing alalahanin.

Ayon sa OCTA, kapansin-pansin ang malaking pag-angat ng bilang ng mga Pilipinong inuuna ang wage hike bilang agarang isyu, na siyang pinakamataas na pagtaas mula pa noong Marso 2024.

Nalampasan na rin ng usapin ng sahod ang dating nangungunang alalahanin na pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, na ngayon ay ikalawa na lamang sa 41 porsyento.

Bago ang pinakahuling resulta, anang OCTA, ang inflation at presyo ng bilihin ang palaging pangunahing pambansang alalahanin ng mga Pilipino mula pa noong unang quarter ng 2022.

“Pinapakita ng mga datos na nananatiling sentro ng pangamba ng publiko ang mga usaping pang-ekonomiya, partikular ang sahod, inflation, at trabaho,” ayon sa OCTA.

Kabilang pa sa iba pang pangunahing pambansang alalahanin ang abot-kayang pagkain (30%), paglaban sa katiwalian sa pamahalaan (29%), at pagbibigay ng libre at dekalidad na edukasyon (28%).

Binanggit din ng OCTA na ang isyu ng graft at corruption ay patuloy na kabilang sa top concerns ng publiko sa ikalawang sunod na quarter, kasabay ng patuloy na paghihirap dulot ng problemang pangkabuhayan.

Samantala, pagdating sa personal na alalahanin, nananatiling nangunguna ang pananatiling malusog at pag-iwas sa sakit, na binanggit ng 68 porsyento ng mga respondent.

Kasunod nito ang pagtatapos o pagbibigay ng edukasyon sa mga anak (45%), pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw (44%), matatag at maayos na trabaho o pinagkakakitaan (38%), at pag-iwas na mabiktima ng malubhang krimen (38%).

Ayon sa OCTA, hindi nagbago ang limang pangunahing personal na alalahanin ng mga Pilipino mula pa noong ikatlong quarter ng 2025, na nagpapakita ng katatagan ng mga prayoridad ng mga pamilyang Pilipino.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Disyembre 3 hanggang 11, 2025, na nilahukan ng 1,200 respondent na may edad 18 pataas. May margin of error itong ±3 porsyento sa 95 porsyentong confidence level. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here