Home HOME BANNER STORY Shabu lab sa Caloocan sinalakay; higit P10M kemikal sa paggawa ng shabu...

Shabu lab sa Caloocan sinalakay; higit P10M kemikal sa paggawa ng shabu bumulaga

191
0
Sa Bisa ng Search Warrant Operation ay sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Station Drug Enforcement Unit, Intelligence Section, SWAT, at Police Sub-Station 13 ng Caloocan City Police Station sa pakikipagtulungan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU, NPD) at PDEA ang isang pinaghihinalaang imbakan ng ibat-ibang kemikal na gamit sa paggawa ng illegal na droga na aabot sa ₱10.5 milyon sa Phase 8b, Renters Excess lot, Bagong Silang, Barangay 176-D, Caloocan City. EDGAR RABULAN

MANILA, Philippines – Humigit kumulang sa P10 milyong halaga ng mga kemikal sa paggawa ng shabu ang nakumpiska matapos salakayin ng pulisya ang isang shabu laboratory, napaulat kahapon ng umaga, Enero 24 sa Caloocan City.

Alas-8:16 ng umaga nang salakayin ng puwersa ng iba’t-ibang unit ng Caloocan Police Station sa pangunguna ni P/Col. Joey Goforth, kasama ang Northern Police District (NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU), ang bahay na inupahan ng isang alyas “Jessie” sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D, bitbit ang inilabas na search warrant na may petsang Enero 23, 2026 ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Branch 554.

Bumulaga sa mga awtoridad sa loob ng bahay ang dalawang container na may lamang tinatayang 20-litro ng Phenylocetone, isang liquid chemical sa paggawa ng shabu na tumitimbang ng 16.95 kilo na tinatayang aabot sa halagang P10,000,500.00

Nakuha rin sa loob ang iba pang mga gamit sa paggawa ng shabu tulad ng laboratory-grade glass na may kapasidad na 20,000ml, dalawang electric laboratory heating mantle, isang stainless na laboratory heating at mixing base unit, machine type na may buton, at iba pang paraphernalia sa paggawa ng shabu.

Sa ulat ni Col. Goforth kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagreklamo ang mga kapitbahay ng babaeng may-ari ng bahay sa masangsang na amoy kaya’t nag-report ang ginang sa pulisya sa hinalang ginagawang shabu lab ng umuupa ang kanyang bahay.

Dahil dito, nag-apply ng search warrant ang mga tauhan ni Goforth, subalit nakatunog umano si alyas Jessie kaya’t nagsimulang maghakot na dahilan para makatakas, tangay ang iba pang malalaking gamit ng laboratoryo.

Napasugod naman sa lugar sina Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at 1st District Congressman Oca Malapitan nang malamang may shabu laboratory sa lugar at iniutos ang malawakang pagtugis sa suspek at malalimang pagsisiyasat upang matukoy ang iba pang mga kasabuwat. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here