MANILA, Philippines – Magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang Northeast Monsoon o Amihan at Shear Line kasabay ng pagmonitor sa isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, ang low pressure area na dating tropical depression Ada ay huling namataan 685 kilometro silangan ng Davao City.
Hindi naman inaasahang mabubuo bilang isang bagyo ang naturang LPA sa loob ng 24 na oras.
Mararanasan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorm sa Caraga, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, Camiguin, Misamis Oriental, at Bukidnon dahil sa shear line.
Magdadala naman ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang Amihan sa Cagayan Valley, Bicol Region, nalalabing bahagi ng Visayas, nalalabing bahagi ng Northern Mindanao, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, Marinduque, Romblon, at Oriental Mindoro, habang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan may isolated light rains ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa. RNT/JGC