MANILA, Philippines – Darating ngayong umaga, Enero 26 ang mga Filipino seafarers na nasagip mula sa lumubog na MV Devon Bay sa karagatang sakop ng South China Sea.
Ayon sa ulat ng PCG, itinurn-over sa kanila ng China Coast Guard (CCG) ang 17 crew kabilang ang dalawang nasawi nitong Linggo.
Ang mga Filipino crew ay nailipat gamit ang rigid-hull inflatable boats sa gitna ng malalaking alon sa karagatan.
Nangyari ang turnover operation sa tinatayang 168 nautical miles west off ng Tambobong, Pangasinan.
Sakay ng BRP Teresa Magbanua ang mga Filipino crew na darating sa Manila, ayon pa sa PCG.
Nabatid na ang MV Devon Bay ay isang cargo ship na Singaporean-flagged kung saan may kargang iron ore mula sa Zambales ay patungo sana ng China para magdiskarga.
Sakay nito ang 21 full crew o pawang mga Filipino kung saan apat pa ang patuloy na pinaghahanap kasama ang kapitan ng barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden