MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Partido Liberal ng Pilipinas (LP) ang pagtatalaga ng mga bagong opisyal sa isinagawang National Executive Council and Officers (NECO) meeting noong Biyernes.
Itinalaga si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan bilang party chair emeritus.
Sa kanyang talumpati, iginiit niya na ang LP ay nananatiling isang anti-political dynasty, anti-authoritarian, at pro-democracy na partido.
Tinalakay rin ni Pangilinan ang nalalapit na 2028 elections at nanawagan ng mas matibay na organisasyon, habang ipinahayag ang kumpiyansa na kayang manalo ng partido sa mga darating na halalan.
“Sa pamamagitan ng pagsasanib-puwersa ng pinakamalawak na hanay sa pagkilos, ang halalan 2028, tulad ng halalan 2025, at hihigit pa—atin ang 2028. Nasa ating mga kamay, nasa ating nagkakaisang mga kamay, para ipanalo ito,” ani Pangilinan.
“Kahit hindi uso, lumaban tayo para sa katotohanan at para sa karapatang pantao. Hindi tayo umatras. Hindi tayo nagpapasailalim sa banta sa dignidad, banta sa buhay, at banta sa kalayaan,” dagdag pa niya.
Itinalaga naman si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima bilang party chairperson, habang si human rights lawyer Erin Tañada ang bagong party president.
Si Albay Rep. Krisel Lagman ay hinirang bilang party executive vice president, si Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali bilang party treasurer, at si dating Quezon City Rep. Kit Belmonte bilang party secretary-general.
Pinaalalahanan din ni Pangilinan ang mga kasapi ng LP sa papel ng partido sa paglaban sa awtoritaryanismo.
“Lumaban ang Partidong Liberal sa malupit na diktadura. Lumaban para sa kalayaang pumili ng mga pinuno ng bayan. Hindi tayo nagpapasailalim sa mga hamon ng panahon,” aniya. RNT/MND