MANILA, Philippines – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga nagpopondo sa malawakang operasyon ng cigarette smuggling sa bansa.
“Your Philippine National Police has been successful in confiscating every smuggled cigarette that we monitor in our intelligence radar. While arrests were also made, we want to dig deeper to identify the financiers and hold them accountable for their illegal activities,” ayon kay Nartatez.
Ang kautusan ay kasunod ng pagkakasabat ng Bureau of Internal Revenue at ng Highway Patrol Group (HPG)-Metro Manila ng ₱516 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo noong Biyernes.
Sinabi rin ni Nartatez na nadiskubre ng PNP-HPG ang humigit-kumulang ₱1.1 bilyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isang anti-car theft operation sa Batangas City noong Disyembre 31, 2025.
Sa parehong araw, nasamsam din ng isa pang PNP-HPG team ang tinatayang ₱1.5 bilyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isang dockyard sa Malabon City.
Ayon kay Nartatez, nakaayon ang kampanya ng PNP sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sugpuin ang katiwalian sa gobyerno at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan na nagdudulot ng malaking pagkawala sa kita ng buwis ng bansa.
Binanggit din na naghain si Senate Finance Committee chair Senator Sherwin Gatchalian ng resolusyon para imbestigahan ang mga ulat na may matataas na opisyal ng seguridad na nagbibigay ng pondo sa ilegal na kalakalan.
Tiniyak ni Nartatez na buong makikipagtulungan ang PNP sa Senado at iba pang kaukulang ahensya upang mapigilan ang smuggling. RNT/MND