Ito ang tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa mga lumabas na post online at sa social media na nagsasabi na ooperahan ang Pangulo matapos ma-diagnosed na may diverticulitis.
“Wala pong ganoong balita na maibibigay po tayo dahil ngayon po ang Pangulo ay nasa meeting. So, yan po ay fake news,” diing pahayag ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ngayon aniya ay masasabi niya na maganda ang kalagayan ng Pangulo dahil ito nga ay kasalukuyang nasa Economy and Development Council (EDC) meeting kasama ang kanyang economic team.
“At marami po silang napag-uusapan patungkol doon at kung anuman po ang kanilang napag-uusapan ay maari kong ibigay bukas dahil hindi pa po tapos ang meeting,” anito.
Dahil dito, back to normal na aniya ang iskedyul ng Pangulo.
Samantala, hindi naman masabi ni Castro kung wala ng iniinda ang Pangulo dahil personal aniyang nararamdaman ng Pangulo kung ano ang sumasakit sa kanya lalo na sa kanyang tiyan. Sa ngayon aniya ay wala siyang iniinda,” ang sinabi ni Castro.
Matatandaang, kamakailan ay isinugod sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos makaranas ng discomfort. Kris Jose