Home NATIONWIDE Labor case ng GMA talents noong 2014 dinesisyunan na ng SC

Labor case ng GMA talents noong 2014 dinesisyunan na ng SC

203
0

MANILA, Philippines – Regular na empleyado ang halos isang daang talents ng GMA Network na nagsampa ng kaso laban sa kompanya noong 2014, ayon sa Korte Suprema.

Sa desisyon ng Third Division ng Korte Suprema noong Nobyembre 25, 2025, idineklara rin na 50 sa kanila ang ilegal na tinanggal at may karapatang ma-reinstate o tumanggap ng separation pay at back wages na tutukuyin ng National Labor Relations Commission (NLRC).

Ang Talents Association of GMA (TAG), na nanguna sa kaso, ay tinawag ang desisyon bilang “jurisprudence” para sa proteksyon ng mga susunod na henerasyon ng media workers sa Pilipinas.

Sa 142 na nagsampa ng reklamo sa NLRC, 94 ang kinilala bilang regular employees.

Ayon sa korte, hindi independent contractors ang mga talents, tulad ng iginigiit ng network dahil sila’y pinili, binayaran, kontrolado, at pinagbawalang kumuha ng proyekto sa ibang production outfits, na malinaw na nagpapakita ng employer-employee relationship.

Dagdag pa rito, kinilala silang regular employees dahil ang kanilang mga trabaho, tulad ng producers, researchers, at cameramen, ay mahalaga sa operasyon ng network, ayon sa Labor Code.

Tungkol sa illegal dismissal, 15 talents ang tinanggal dahil hindi nag-report sa trabaho bilang protesta laban sa pagbabawas ng mga programang maaari nilang trabahuhin at sa pagbabago ng paraan ng bayad mula sa bank deposit patungong tseke, na itinuturing nilang harassment.

Sinabi ng korte na masyadong mabigat ang parusang pagtanggal sa kanila, lalo’t wala silang rekord ng habitual absences.

Samantala, 35 talents naman ang ilegal na tinanggal dahil hindi sila inalok ng renewal ng kontrata, kaya napilitan silang maghanap ng ibang trabaho.

Pinabulaanan ng korte ang pahayag ng GMA na tumanggi ang 35 sa renewal, dahil “walang alok na tinanggihan.” Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here