BATAAN- Timbog sa mga awtoridad ang mag-jowang drug suspek at masamsam sa mga ito ang tatlong uri ng hinihinalang iligal na droga, matapos masakote ang mga ito sa buybust operation ng pulisya sa Barangay Maligaya, Dinalupihan.
Batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ang mga nadakip na magkasintahang suspek na sina alyas “Bongkie”, 44 anyos at alyas “Alyn”, 26 anyos at pawang mga residente sa naturang lugar.
Nadakip ang mga suspek makaraang maaktuhang magkasabwat umano sa pagbebenta ng shabu sa police poseur buyer kung saan aminado ang mga ito sa iligal nilang gawain.
Naging kapansin-sansin din sa pintuan ng kwartong ginawang pwestuhan umano sa paggamit ng shabu.
Sa operasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang pakete ng hinihinalang party drugs (ecstasy) na ayon sa mga suspek ay ibinigay daw ng kanilang katropa na nagmamanok, na giit ng mga suspek ay mabisa daw na gamot sa lagnat.
Narekober sa mga suspek ang isang pakete (1) ng suspected shabu na may timbang na higit 54 grams at standard drug price na aabot sa P370,000, isang (1) pakete ng suspected dried marijuana leaves na may halagang halos P1,000 at labing isang (11) tableta ng suspected ecstacy na may halagang higit P18,000, timbanga, cellphone na gamit sa pakipag-transaksiyon at ang marked money na ginamit na buybust.
Balik-kulungan ang lalaking suspek sa parehong kaso ng iligal na droga.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Law. ROEL TARAYAO