Bulacan – Swak sa rehas ang isang 42 anyos na lalaking nahulihan ng iligal na droga sa kanyang pagbisita sa Bulacan Provincia Jail sa Brgy. Guinhawa, lungsod ng Malolos nitong umaga ng Enero 25.
Sa ulat ni PLTCOL Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos police station, kinilala ang suspek na si alyas “Joel”, residente ng Brgy. Nayon, Baliwag.
Ayon sa ulat, ang suspek ay naaresto ng mga awtoridad bandang 8:20 ng umaga sa bisa ng warrantless arrest (in flagrante delicto) habang siya ay bumisita sa nasabing lugar kasabay ng isinagawang standard operational procedures ng pulisya.
Sa body frisk, nakumpiska sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.3 gramo at may standard drug price na P2,040.00.
Sinasabing ang suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Provincial Forensic Unit para sa drug test at laboratory examination.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng istasyon ang suspek habang nahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III