MANILA, Philippines – Iniulat ng Security Task Group (STG) na na-deploy para sa 2026 Dinagyang Festival sa Iloilo City na walang naitalang malalaki o malubhang insidente sa pagdiriwang, kabilang ang Linggo kung kailan tinatayang umabot sa 350,000 ang dumalo.
Sinabi ni Iloilo City Police Office officer-in-charge Col. Wilbert Parilla na ang Dinagyang 2026 ay “powerful, vibrant and full of life,” at “most importantly, it was safe.”
Ayon sa kanya, agad na naasikaso ng mga nakatalagang personnel ang mga minor cases tulad ng pagkawala ng malay, hyperventilation, at sobrang pag-inom ng alak.
Sinabi naman ni Police Regional Office 6 director Brig. Gen. Josefino Ligan, na overall commander ng STG Dinagyang, na bumaba ng 44.44 porsiyento ang mga naitalang focused crimes kumpara noong nakaraang taon.
Pinuri niya ang mga pwersa sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan, at inilarawan ang Dinagyang bilang “more than a festival; it is faith, culture and identity.”
Iniulat din ng ICPO na walang kaso ng paglabag sa gun ban sa loob ng 10 araw nitong ipinatupad simula Enero 15. May 7,579 security personnel na na-deploy sa mga pangunahing lugar, daanan, transport hubs, at convergence areas, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, local government units, at volunteer groups.
Samantala, inaresto ng ICPO ang 20 drug personalities sa 14 anti-drug operations mula Enero 19 hanggang 25, at nakumpiska ang 1,270 gramo ng ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng PHP 8.6 milyon. Mary Ann Sapico