MANILA, Philippines – Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang aksyon at pahayag ng mga Filipino na opisyal na ipinagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Iyon nga lamang, dapat na ang aksyon ng mga ito ay nakaayon sa adbokasiya ng bansa na ipaglaban ang karapatan ng bansa.
Tugon ito ng Malakanyang matapos ipatawag ng Foreign Ministry ng Tsina si Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz kaugnay sa akusasyon laban kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nagsasagawa umano ng smear campaign laban sa China.
“Napatawag po si Ambassador FlorCruz at doon sa meeting na iyon ay pinagtibay pa rin ang ating paninindigan para sa maritime issues at para proteksyunan din po ang ating soberanya,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Ang Pangulo po siya po ang nagsabi na hindi niya po isu-surrender even an inch of our territory so ano man po ang ginagawa ng ating mga ahensiya upang ipaglaban ang interes ng ating bansa — iyan po ang nais ng Pangulo at iyan din po ang utos ng Pangulo,” aniya pa rin.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Presidential Communications Office (PCO) sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para sa napansing “inauthentic online behavior” kasunod ng pinakabagong tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing.
“Matagal na pong nababalita na may ibang bansa na nakikialam sa ating politika, pero ayon na rin po sa PCO, iginagalang po natin ang freedom of expression, ang freedom of speech, ngunit kinukondena natin ang anumang disinformation o fake news,” ang tinuran ni Castro.
“Ang nais po natin ay transparency, masabi ang katotohanan, at ito rin po ang ating magiging bilin sa ating mga kababayan — maging mapanuri, magkaisa po tayo,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, nanindigan si China Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun sa seryosong posisyon ng China laban sa mga pahayag ng aniya’y tagapagsalita ng PCG, at nitong umaga aniya ipinatawag ang Ambassador ng Pilipinas sa China para muling maghain ng seryosong protesta.
Subalit nauna nang iginiit ni Tarriela na hindi pagdungis o paninira ang kaniyang mga inilalathalang posts, kundi mga totoong nangyayari sa West Philippine Sea na suportado ng mga ebidensiya tulad ng mga video, larawan, official reports mula sa PCG, at third-party observations.
“Since this concerns me personally, I would like to respond by saying that threatening a public servant for telling the truth will not intimidate us,” ayon kay Tarriela.
“It only proves that transparency is working — and that China fears an informed world more than it fears international law…Transparency in the WPS is not provocation rather it is merely exposing the bully aggressor and the real victim,” dagdag na wika nito. (Kris Jose)