MANILA, Philippines – Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) ang lokal na tensiyon sa politika at posibleng paghihiganti bilang motibo sa pag-ambush sa mayor ng Shariff Aguak, Adatu Akmad Mitra Ampatuan Sr., ayon sa isang opisyal ng PNP ngayong Martes.
Sinabi ni Police Brig. Gen. Randulf Tuaño na bumuo ng special investigation task group (SITG) upang tumutok sa kaso. Kabilang sa kanilang iniimbestigahan kung ang hidwaan sa lokal na politika ang nag-udyok sa pag-hire ng mga gun-for-hire.
Tinitingnan din ang posibilidad ng paghihiganti, dahil may mga personalidad na kapareho ng apelyido ng mga suspek na napatay sa insidente, bagaman hindi pa ito kumpirmado.
Ayon kay Tuaño, ito na ang ikaapat na pagtatangkang pag-ambush laban kay Ampatuan.
Kabilang sa mga naunang insidente ang pagsabog ng roadside bomb noong 2010, isang ambush noong 2014 na nagdulot ng sugat sa limang tao, at isang ambush noong 2019 na pumatay sa dalawang tao.
Naiulat din ang mga umano’y harassment noong Hulyo at Disyembre 2025.
Kinumpirma ng awtoridad na ginamit ang rocket-propelled grenades (RPGs) sa pinakahuling pag-atake.
Patuloy pang tinutunton ng mga imbestigador ang pinagmulan ng mga armas at inaasahang ilalabas ang unang ulat sa loob ng linggo.
Tinalakay din ni Tuaño ang pahayag ni Ampatuan na nakatanggap siya ng mga banta matapos bawiin ang kanyang security detail bago ang pag-ambush. Inutusan ang mga miyembro ng SITG na personal na makipagkita sa mayor upang beripikahin ang kanyang mga pahayag at matukoy ang posibleng mga taong may kaugnayan sa insidente.
Ayon sa opisyal ng PNP, magrerekomenda ang Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ng administrative relief para sa punong pulis ng Shariff Aguak dahil sa posibleng lapses sa seguridad.
Nangyari ang ambush noong Linggo ng umaga habang pauwi si Ampatuan. Hindi nasaktan ang mayor, ngunit dalawang escort ang sugatan. Patay ang apat na suspek matapos silang makasagupa sa hot pursuit operation pagkatapos ng pag-atake. Santi Celario