MANILA, Philippines – Halos tatlong milyong Pilipinong magsasaka at mangingisda ang inaasahang makikinabang sa pinalawak na insurance coverage ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC), ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Lunes.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, nakatanggap ang PCIC ng P6.5 bilyong alokasyon, 45 porsyento na pagtaas mula sa P4.5 bilyon noong nakaraang taon.
Sa pondo, maaaring masaklaw ang humigit-kumulang 2.93 milyong magsasaka at mangingisda, mas mataas kaysa sa 2.35 milyon noong 2025.
Ayon sa DA, magreresulta ang pinalawak na budget sa mas mataas na insurance cover para sa palay at mais at mas malawak na saklaw ng libreng insurance program.
Tumaas ang maximum payout para sa total crop loss sa palay at mais sa PHP25,000 kada ektarya mula sa dating PHP20,000.
Sinasaklaw ng multi-peril insurance ng PCIC ang total crop loss dulot ng natural na kalamidad, peste, at sakit. Saklaw din ng insurance ang high-value crops, fisheries at aquaculture, livestock, at non-crop agricultural assets.
Kasama rin sa libreng insurance program ang mga rehistradong coconut farmers sa ilalim ng National Coconut Farmers Registry System.
Inaasahang 714,000 coconut farmers ang masisigurong may insurance ngayong taon sa pondo na PHP500 milyon mula sa Coconut Farmers and Industry Trust Fund, mas mataas kaysa sa 640,000 noong 2025.
Kailangan na nakalista ang mga magsasaka at mangingisda sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang maging kwalipikado sa coverage na pinondohan ng government premium subsidy.
Inaabot ng DA ang 3.68 milyong subsidized at non-subsidized na insured farmers at fishers para sa 2026, o 12 porsyentong pagtaas mula sa 3.29 milyon noong nakaraang taon. Santi Celario