Home NATIONWIDE Chinese diplomat kinokonsiderang ideklarang persona non grata ng Senado

Chinese diplomat kinokonsiderang ideklarang persona non grata ng Senado

199
0

MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Senate President Vicente Sotto III na pag-aralan ang posibilidad na ideklara bilang persona non grata ang isang Chinese diplomat dahil sa mga pahayag laban sa mga opisyal ng Pilipinas, kabilang ang mga senador, na kumontra sa agresyon ng China sa West Philippine Sea.

Lumabas ang panukala matapos punahin ni Senator Risa Hontiveros ang Chinese Embassy sa Manila sa muling pag-repost ng mga larawan ng 15 senador na kumondena sa pahayag ng embahada at sa pagtatanggi nito sa resolusyon.

“Bastos. Walang pag-galang. At gusto pa rin nila sila ang masusunod. Hindi lang sa dagat ng Pilipinas, hindi lang sa social media ng Pilipinas, pati sa Senado ng Pilipinas,” ani Hontiveros.

Ani Sotto, dapat pag-aralan ng Senate Committee on Rules ang usapin, bagaman ang tanging Pangulo ng Pilipinas lamang ang may kapangyarihang ideklara ang isang diplomat bilang persona non grata.

Nanawagan sina Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson at Minority Leader Alan Peter Cayetano na pag-aralan pa ito at irefer sa komite.

Samantala, sampung mambabatas sa House ang nagsampa ng House Resolution No. 680, na nananawagan sa pamahalaan ng “mas mahigpit na aksyon at inisyatibo” laban sa Chinese Embassy, kabilang ang diplomatic protest, pagsumite ng diplomatic recall, o pagdeklara ng persona non grata sa sinumang diplomat na lumabag sa tamang asal.

Ayon kay Rep. Leila de Lima, “Wala silang karapatan na laitin, insultuhin at bastusin ang ating mga opisyal… dapat lang na pumalag tayo at ipagtanggol din ang ating mga opisyal.”

Nanawagan naman si Rep. Franz Vincent Legazpi para sa proteksyon ng mga mangingisda ng Pilipinas laban sa agresibong kilos ng mga barko ng China sa West Philippine Sea. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here