Home NATIONWIDE Kapos na pondo sa K to 12 program, magpapadiskaril sa reporma sa...

Kapos na pondo sa K to 12 program, magpapadiskaril sa reporma sa edukasyon – solon

232
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Martes na mabibigo ang reporma sa edukasyon kung hindi haharapin ng gobyerno ang matagal nang kakulangan sa pondo ng K to 12 programs.

Sa presentasyon ng Year 3 Final Report ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II nitong January 27, 2026, sinabi ni Cayetano na kailangang pumili ang gobyerno: pondohan ang K to 12 o seryosong ikonsidera ang pagbawas ng isa o dalawang taon.

Aniya, patuloy na mauubos ang pondo kung mananatiling kulang ang suporta sa programa.

“Unless we address K to 12, either we fully fund it or we take out one or two years, we’ll never get to where we want in education. It will be just like corruption. You keep trying to fill the bucket, pero butas-butas siya,” sabi niya.

Bilang dating co-chairperson ng EDCOM at matagal nang tagapagtaguyod ng edukasyon, sinabi ni Cayetano na pinalampas ng Kongreso ang isang malaking pagkakataon para unahin ang edukasyon. Ayon sa kanya, ang halos P500 bilyong tinanggal sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay maaari sanang ilaan sa sektor ng edukasyon.

“We had the opportunity now, but we did not take it. If you expect na next year or next administration, ifu-fully fund y’ung K to 12, hindi mangyayari,” wika niya.

Ibinunyag sa ulat ng EDCOM II, na bunga ng tatlong taong pagsusuri at pananaliksik sa buong bansa, ang malalalim na problema sa sistema ng edukasyon.

Sa Year 1 report, natukoy ang kakulangan ng mga aklat, hindi epektibong subsidies, at magkakapatong na tungkulin ng mga ahensya.

Sa Year 2 report naman, nagbabala ito na maraming mag-aaral ang ilang taon nang nahuhuli sa pagkatuto pagdating ng Grade 3 dahil sa stunting, poor early childhood education, at mababang antas ng literacy.

Tinukoy rin sa ulat na mahigit 50 percent ng mga pampublikong paaralan ang wala pa ring punong-guro, bukod pa sa madalas na suspensyon ng klase na lalo pang nagpapalala ng learning loss.

Sinabi ni Cayetano na pinatutunayan ng mga ulat na hindi nangangahulugang napapabayaan ang ibang sektor kapag inuuna ang edukasyon.

Aniya, mahalaga ang matibay na pundasyon ng edukasyon para sa mas maayos na pamahalaan at laban sa korapsyon.

Nanawagan si Cayetano na bumuo ng Third Congressional Commission on Education o EDCOM 3 sa pamamagitan ng kanyang inihain na Senate Bill No. 103.

Layunin ng panukala na bigyan ng full commissioner status ang mga pinuno ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang masiguro ang tuloy-tuloy na koordinasyon at pagkakahanay ng mga polisiya sa buong sektor ng edukasyon.

“They’ve already proven themselves with these reports and it really made me understand the problems in education and how to try to fix it,” wika ni Cayetano.

Kasabay nito nanawagan naman si Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, sa pangangailangan nang epektibong paggamit ng  makasaysayang pondong inilaan para sa sektor ng edukasyon ngayong 2026.

Sa ilalim ng 2026 national budget, umabot sa P1.35 trilyon ang pondo para sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP). Kasama sa mga binigyang prayoridad para sa sektor ng edukasyon ang mga programang early childhood care and development (ECCD) at learning recovery. Makakatanggap ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program ng P8.96 bilyon upang magkaroon ng 440,000 tutors at masuportahan ang 6.7 milyong mga mag-aaral.

Pagdating sa ECCD, P2.56 bilyon mula sa Local Government Support Fund ang inilaan upang gawing child development centers ang mga day care centers sa mga fourth- at fifth-class municipalities. Maaari ding gamitin ang naturang pondo para sa pagha-hire ng mga child development workers sa mga low-income municipalities.

“Naglaan tayo ng makasaysayang pondo para sa edukasyon para tapusin ang krisis sa sektor. Pero hindi sapat ang basta pondo lang. Kailangan itong gamitin nang tama para mabigyan ang ating mga kabataan ng tunay na pagkakataong magtagumpay sa loob at labas ng paaralan,” ani Gatchalian.

Nanawagan din si Senadora Loren Legarda ng agaran at tuloy-tuloy na reporma sa edukasyon matapos opisyal na isumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang Final Report nito, Turning Point: A Decade of Necessary Reform (2026–2035), sa Senado ng Pilipinas noong 27 Enero 2026.

Si Legarda, na co-chair ng EDCOM II, ay binigyang-diin ang pangangailangan ng mabilis at matibay na aksyon upang tugunan ang krisis sa edukasyon ng bansa.

“Kapag edukasyon ang inuuna natin, ang buong bansa ang itinataas natin. We all know that our education sector continues to face serious challenges, from learning poverty and classroom backlogs to teacher shortages and weak links to the labor market. But it is precisely because of these difficulties that we must persist and press forward with reform, not retreat from it,” diin ni Legarda.

Ipinakita ng EDCOM II Final Report ang mga kagyat na realidad sa sistema ng edukasyon. Halos kalahati ng mga mag-aaral sa Grade 3 ay hindi pa marunong magbasa sa tamang antas, 88 porsyento ng mga estudyante sa Grade 7 ay hindi pa handa, at bumabagsak sa 0.40 porsyento ang antas ng kahusayan pagsapit ng Grade 12.

Binanggit din sa ulat na 23.6 porsyento ng mga bata ay nakararanas ng stunting, mahigit 213,000 sanggol ang hindi naaabot ng feeding programs, at libu-libong barangay ang kulang sa early childhood centers. Ang mga guro ay napipilitang ipasa ang mga estudyanteng hindi kwalipikado dahil sa transmutation table na nagpapataas ng bagsak na marka. Tinukoy din ang problema sa teacher mismatches, kulang na oras para sa practicum, at mga insentibong pang-promosyon na nagbunsod ng diploma mills.

Malubha pa rin ang kakulangan sa imprastruktura, kabilang ang backlog na 165,000 silid-aralan, habang nababawasan ang oras sa pag-aaral dahil sa mahigit 150 mandated activities, at nananatiling nakatuon sa mababang antas ng sertipikasyon ang technical vocational training.

Sa mas mataas na antas ng edukasyon, nananatiling luma ang kurikulum—ina-update lamang kada 11 taon—at nagkakaroon ng kalituhan sa pananagutan dahil sa magkakapatong na mandato ng CHED, TESDA, at PRC. Hindi pa rin epektibo ang student financial aid makalipas ang isang dekada mula nang ipasa ang UniFAST Act, habang nananatili sa estruktura ng dekada ’90 ang DepEd, CHED, at TESDA sa kabila ng pinalawak na mandato.

Sa gitna ng mga hamon, muling iginiit ni Legarda na ang makabuluhang pagbabago ay nangangailangan ng parehong agarang aksyon at matibay na pagpupursige. Ipinanawagan niya ang pagpapalawig ng mandato ng Komisyon upang mapanatili ang pokus at makapaghatid ng mas malalim at pangmatagalang solusyon para sa edukasyon.

“As the sponsor of Senate Bill No. 1483, I once again thank my colleagues for their support in extending the mandate of the Second Congressional Commission on Education until December 2027,” ani Legarda.

“This extension is not merely procedural. It is a reaffirmation of our shared responsibility to place our learners, teachers, and parents at the center of reform, and to give ourselves the time and institutional stability needed to pursue solutions grounded in evidence and lived realities,” dagdag pa niya.

Itinatag sa pamamagitan ng Republic Act No. 11899 noong 23 Hulyo 2022, binigyan ng tungkulin ang EDCOM II na suriin ang buong sektor ng edukasyon at magrekomenda ng mga estratehikong reporma upang mapahusay ang pambansang resulta sa pagkatuto at kompetitibidad ng workforce.

Binigyang-diin pa ng apat na terminong senadora ang mga nakamit na tagumpay, kabilang ang mga repormang nagpapakita ng progreso sa edukasyon.

“Three years ago, we embarked on a journey to confront a crisis. Today, I stand before you to declare that we have reached a turning point. In just a short span of time, through close collaboration between the legislative and executive branches, we have passed landmark laws, secured historic budget increases, and built a unified reform roadmap. These achievements show what is possible when we work together, and they remind us that we can achieve even more if we sustain this spirit of cooperation,” pahayag ni Legarda.

Sa pagtatapos, nanawagan si Legarda ng pagkakaisa at reporma upang makamit ang pangmatagalang pambansang kaunlaran.

“As we submit this Final Report and the National Education and Workforce Development Plan, let us treat them not as endpoints, but as calls to action. Our success will be measured not by the documents we produce, but by the real improvements our learners, teachers, and families experience in their daily lives. Let us move forward with urgency, discipline, and unity of purpose, and sustain the reforms we have begun to build an education system that truly lifts every Filipino child,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here