MANILA, Philippines – Upang mas matulungan ang mga magsasaka mas pinaayos ang pagkuha ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa mga serbisyo ng pamahalaan, pautang, at merkado sa isinagawang dalawang araw na One-Stop ARBO Caravan sa Dottie’s Place Hotel and Restaurant.
Ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR) may kabuuang 136 na miyembro mula sa mga rehistrado at bagong rehistradong Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBO) ang lumahok sa aktibidad na tampok ang pagpaparehistro ng kooperatiba, on-site na serbisyo ng pamahalaan, at pagbebenta at pagpapakita ng mga produktong lokal.
Nagbigay ang caravan ng isang lugar kung saan maaaring sabay-sabay na maiparehistro ng mga ARB ang kanilang kooperatiba, mapalakas ang kanilang kabuhayan, at makakonekta sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Nakatulong din ito upang magkaroon ng pormal na pagkakakilanlan ang mga kooperatiba at maging kuwalipikado sa pautang, pagsasanay, at iba pang suporta.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Undersecretary for Support Services Josef Angelo S. Martires, CESO II, na mahalaga ang pagkakaroon ng pamilihan, tulong ng mga ahensya, at matibay na ugnayan upang magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARB).
“Sa pamamagitan ng maayos na pamilihan, tulong ng mga ahensya ng pamahalaan, at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya, matutulungan nating umunlad at magtagumpay ang ating mga magsasaka,” aniya.
Sa aktibidad, 34 na bagong rehistradong kooperatiba ng mga magsasaka ang ginawaran ng Certificates of Registration (CORs) sa tulong ng Cooperative Development Authority (CDA), na magbibigay-daan sa mas marami pang programa at tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Nagbigay rin ng on-site na serbisyo ang mga katuwang na ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), CDA, at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kabilang ang suporta sa negosyo, impormasyon sa kasanayan at pagsasanay, at tulong sa pagpasok sa merkado.
Bilang karagdagang suporta sa produksyon at kita ng mga magsasaka, ipinagkaloob ang ₱5-milyong LandBank–ARBO Loan para sa CY 2025 na makikinabang ang 48 magsasaka sa Agusan del Norte. Namahagi rin ng mga organikong pataba at suplemento na nagkakahalaga ng ₱425,000 sa anim na ARB sa Agusan del Sur upang mapataas ang ani. (Santi Celario)