MANILA, Philippines – Humina ang Philippine financial markets nitong Martes matapos ilabas ng pamahalaan ang datos na nagpapakitang umakyat sa 7.2% ang inflation noong Setyembre, pinakamabilis na antas sa mahigit tatlong taon at mas mataas sa inaasahan ng merkado.
Bumaba ng 15 sentimos ang halaga ng piso at nagsara sa P61.771:$1 mula sa P61.621:$1 noong Lunes. Umabot pa ito sa intraday low na P62.84:$1, malapit sa record low close na P62.86:$1 noong Setyembre 14, 2026.
Ang 7.2% inflation noong Setyembre ay mas mataas sa 6.1% noong Agosto at kapantay ng antas noong Abril. Ito rin ang pinakamabilis na pagtaas mula sa 7.6% na naitala noong Marso 2023.
Bukod sa inflation, sinabi ni Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort na nakaapekto rin sa piso ang pagtaas ng US Treasury yields sa 5.29%, na nagpalakas sa atraksyon ng US dollar.
“It is worth noting that the peso exchange rate was relatively stable versus the US dollar recently amid possible intervention/smoothening of market volatility at 61.60-62.80 levels/range highs recently,” ani Ricafort.
Samantala, bumagsak din ang local equities. Ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) ay bumaba ng 66.09 puntos o 1.15% sa 5,677.12, habang ang All Shares index ay lumiit ng 27.53 puntos o 0.86% sa 3,170.73.
Lahat ng sectoral indices ay nagsara sa pula: financials (-0.56%), industrial (-1.81%), holding firms (-0.15%), property (-1.52%), services (-1.24%), at mining and oil (-2.38%).
Umabot sa mahigit 536.164 milyong shares na nagkakahalaga ng P5.457 bilyon ang ipinagpalit. Mas marami ang bumagsak na stocks kaysa umakyat, 120 laban sa 73, habang 69 issues ang hindi nagbago. RNT/MDS