Home METRO 13 sundalo, sugatan sa Basilan ambush

13 sundalo, sugatan sa Basilan ambush

1
0

BASILAN, Philippines – Umakyat na sa 13 ang bilang ng mga sundalong nasugatan sa ambush sa military convoy sa Tipo-Tipo, Basilan nitong Lunes. Walo sa kanila ang patuloy na ginagamot sa mga ospital.

Personal na binisita ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, ang mga sugatang tropa sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City nitong Martes.

Iginawad din ni Teodoro sa mga sundalo ang Wounded Personnel Medal at sinabing nananatiling mataas ang kanilang morale.

“Nakita din natin ang kailangan na support ng mga sundalo, ng tropa dito sa Basilan logistically and in the future kung ano ang kailangan para ma-guarantee ‘yong stability ng peace and security sa area,” ani Teodoro.

Ayon sa mga awtoridad, tinatahak ng convoy ng Army’s 45th Infantry Battalion ang Barangay Badja patungong Lamitan City at patungo sana sa headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Isabela City nang pagbabarilin ng hindi bababa sa pitong armadong lalaki na may dalang assault rifles.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU). Tinamaan ng bala ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga sundalo.

Batay sa tracking indicators ng militar at pulisya, posibleng paghihiganti ang motibo sa pag-atake na umano’y isinagawa ng armadong grupo sa ilalim ni Saddam Siddick matapos mapatay ang kanyang ikalawang asawa na si Nermalyn Salapuddin Musa.

Napatay si Musa sa isang military operation sa Barangay Baimbing, Lamitan City noong nakaraang linggo habang isinasagawa ang mga warrant of arrest laban sa mag-asawa kaugnay ng mga kasong nakabinbin sa iba’t ibang korte sa Basilan.

Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano si Siddick sa malakihang ilegal na pagbebenta ng droga, pagkupkop sa mga wanted na indibidwal kapalit ng pera at pangingikil sa mga negosyante at operator ng pampublikong sasakyan.

Nagdaos din sina Teodoro at Nafarrete ng security meeting sa headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Isabela City.

Nilinaw ni Teodoro na walang kaugnayan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) o sa nagpapatuloy na peace process ang ambush, ilang linggo matapos ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon kay Teodoro, kinondena rin ng MILF ang insidente at nangakong hindi kukupkop kay Siddick at sa iba pang sangkot sa pag-atake.

“Sa Basilan, sama-sama silang kinondena, itong Saddam Siddick, kasama ni Gov. Wala itong kinalaman [sa peace process]. Pure law enforcement ito na nagiging terorismo, narco-terrorism itong tao na ito,” ani Teodoro.

“Pati MILF, ang nag-identify din kung sino kasama nitong Saddam Siddick kasi nga ayaw din nilang may kinalaman sa tao na ito,” dagdag niya.

Patuloy ang operasyon para maaresto si Siddick at ang mga umano’y kasabwat nito sa pamamagitan ng mga mekanismong nakapaloob sa peace process. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here