PAMPANGA, Philippines – Muling nakasabat ang Bureau of Customs katuwang ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID) nang nasa mahigit P6 Milyon halaga ng suspected high grade marijuana (Kush) na nakasiksik sa isang kargamento na ideneklarang “Polyester Rug Runner” na dumating sa Clark Freeport Zone.
Nadiskubre ng mga otoridad ang kontrabando matapos dumaan sa X-ray inspection kung saan naging kaduda-duda umano ang kargamento.
Bunsod nito nagsagawa ng physical examination ang mga awtoridad (BoC, PDEA and PNP) kung saan tumambad ang tatlong transparent plastic bag na ibinalot sa itim na plastic na naglalaman ng mga suspected high grade Kush na isiniksik sa isang cylindrical container.
Dumating umano ang kargamento mula sa California USA na nakatakda sanang dalhin sa San Mateo, Rizal.
Nasa 4.11 Kilograms ng suspected Kush na may standard drug price na P6.16 Milyon ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Sa isinagawang Chemical analysis ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), positibo umanong kush marijuana ang nasabat na kontrabando.
Agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang Customs laban sa nasabing kargamento para sa paghahanda sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso. (ROEL TARAYAO)