AABOT na ngayon sa ikalawang linggo ang “bangayan” ng mga opisyal ng China at Pilipinas dahil sa pambabastos ni Philippine Coast Guard Spox, Commodore Jay Tarriela, kay Chinese President Xi Jinping sa isang forum sa Dela Salle University noong Enero 14.
“Ginatungan” pa ng Palasyo ang problema ng sabihin ni Ante Kler, err, Atty. Claire Castro ngayong linggo na “suportado” ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga pag-atake ni Tarriela sa Pangulo ng China.
Kaya kung si PBBM naman ang gawing katatawanan ng isa ring “kamote” ng Chinese Coastguard, eh, siguro naman hindi na dapat umangal ang ating gobyerno.
May “pahaging” naman si Chinese Embassy Spokesman Ji Linpeng sa kanyang ‘social media post’ kahapon.
Aniya, kung pababayaan lang ni PBBM ang mga katulad ni Tarriela na malayang bastusin ang kanilang lider at busalan silang magprotesta at mapagliwanag, para saan pa ang kanilang embahada dito?
Uulitin natin: Hindi kailangan ng China ang Pinas at mga produkto nito. Kabaligtaran, ‘Pinas ang “nakasandal” sa China. Malinaw ‘yan.
Paano kung… ISARA nga ng China ang kanilang Embahada dito? At kasabay nito, pauwiin na ang halos 300,000 Pinoy sa mainland, Hongkong at Macau?
Paano rin kung… BIGLAAN, “sarado” na ang merkado ng China sa ating mga produkto at taasan naman ang presyo ng ating mga import mula sa China?
Nakita natin ang “resbak” ng China sa mga panggigipit ng Amerika at mga tuta nitong bansa katulad ng Canada, Australia at EU. Ngayon, lahat sila, gusto ulit maging “kaibigan” ang China.
Heto pa. Mapapalitan ba ng kahambugan ni Tarriela at pakunsinti ni PBBM sa mga katulad niya ang siguradong pagbagsak ng ating ekonomiya at malawakang kawalan ng trabaho?
Sa madaling salita, talaga bang “kaya” natin ang “resbak” ng China?
Hindi ang pagpipilit sa baluktot na argumento (‘atin ang West Philippine Sea’) ang sukatan ng pagiging “makabayan” o ang pagiging “tunay” na lider.
Ang tunay na batayan ay kung paano tayo hahanguin sa kahirapan at kung paano palalakasin ang ‘Pinas para totoong makatayo tayo sa sarili nating mga paa.






