MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 40-anyos na lalaking nagpakilalang driver at personal assistant ni Rhian Ramos laban kina Ramos, Michelle Dee, Samantha Panlilio, dalawang bodyguard ni Dee, at ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP), kaugnay ng umano’y illegal detention at pananakit.
Inihain ni alyas “Totoy” ang reklamo sa NBI sa Pasay City kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Sa kuwento ni Totoy, inilahad niya na noong Enero 17 ay sapilitan umano siyang dinala sa condominium unit nina Ramos at Dee matapos siyang akusahan ng pagnanakaw ng isang angpao na may laman umanong sensitibong mga larawan.
“Kinausap ako ng pulis, ‘nasa ’yo ba talaga?’ Sabi ko wala po sir,” ani Totoy.
Ayon pa sa kanya, ikinulong umano siya sa loob ng unit sa loob ng tatlong araw at paulit-ulit na binugbog ng mga bodyguard ni Dee.
“Bigla po akong hinatak ng dalawang bodyguard. Pinagbubugbog nila ako sa loob, sinisipa ako, suntok kahit sa gilid ng CR,” aniya.
Iginigiit din ni Totoy na siya ay sinaktan umano nina Dee at Ramos.
“Pinatayo ako niya tapos sinikmuraan ako tapos sabi niya, ‘akin na, para matapos na ’yung usapan natin ngayon.’ Sabi ko ‘ma’am wala po sa ’kin.’ Pagsabi ko wala, titirahin na naman niya ako,” dagdag niya.
Sinabi rin niyang binuhusan siya ng alcohol at tinusok ang kanyang mga mata. Inakusahan din niya si Ramos ng pananakit. “Sinapak po niya ako dito… ‘di ko mabilang ilang beses,” ani Totoy.
Sinabi ni Totoy na nagtangka siyang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-39 na palapag pababa sa ika-25 palapag ng condominium ngunit muli umano siyang nahuli ng mga bodyguard ni Dee.
“Dinampot ulit ako tapos inakyat ako sa taas ulit,” aniya.
Noong Enero 19, dinala umano siya ni Dee sa presinto kung saan inihain laban sa kanya ang kasong qualified theft.
Ikinuwento rin ni Totoy na nakaranas siya ng pananakit mula sa ilang pulis habang nasa kustodiya. Ibinasura kalaunan ng Makati Prosecutor’s Office ang reklamo at siya ay pinalaya noong Enero 22.
Sinabi ni VACC President Boy Evangelista na kanilang tinutukan ang kaso dahil sa bigat ng mga alegasyon.
Ayon naman kay NBI Director Atty. Lito Magno, kikilos ang ahensya kung susuportahan ng ebidensya ang pagsasampa ng kaso.
“Kung ang ebidensya ay nagbibigay para sampahan ng isang kaso itong mga nasa likod ng krimen na kanyang binabanggit, ay gagawin natin,” pahayag ni Magno.
Ayon sa abogado nina Ramos at Dee na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, maglalabas sila ng pahayag kapag natanggap na ang kopya ng reklamo.
“As of the moment, we do not have the copy of the complaint yet,” aniya. Sa hiwalay na pahayag, itinanggi rin niya ang alegasyon ng illegal detention. “As far as our client is concerned, there is no incident of illegal detention happened as (he) was a resident of the condo, being the driver of Rhian,” ayon sa kanya.
Dagdag pa ng abogado, ang huling insidente umano ay ang paghahain ni Dee ng kasong qualified theft, na ayon sa kanya ay inamin ni Totoy at may mga gamit umanong naibalik. Tinawag niya ang reklamo bilang “a leverage and vindictive suit.”
Isinama rin ni Totoy sa kanyang reklamo si Samantha Panlilio dahil sa umano’y pananakit. Dave Baluyot