MANILA, Philippines – Bunsod ng legal at operasyonal na limitasyon sa paghahanda para sa halalan, inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaliban ng kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections na nakatakda sana sa Marso 30, 2026.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na inaprubahan ng Comelec en banc ang resolusyon sa pagpapaliban ng halalan matapos irekomenda ng executive director, law department, at Bangsamoro study group na hindi ito maaaring isagawa sa itinakdang petsa.
Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang Bangsamoro Proposed Bill No. 415 na nagtatakda ng 32 parliamentary districts sa rehiyon.
Pero sinabi ni Garcia na ang bagong batas sa redistricting ay naaprubahan sa loob ng 120-day period na ipinagbabawal sa ilalim ng election laws, kaya’t hindi ito maipatupad sa Marso 30.
Dagdag pa niya, kailangan ng Kongreso na magpasa ng batas upang magtakda ng bagong petsa para sa halalan.
Inaasahan ng Comelec na maaaring isagawa ang halalan sa Mayo o Setyembre 2026 upang maiwasan ang sabayang halalan sa 2027 o 2028, na makakaapekto sa pagtuon ng publiko sa pambansang eleksyon.
Samantala, ang mga probisyon ng election period, kabilang ang gun ban, ay ipinatupad na kasunod ng pagpapaliban ng BARMM polls. Noong Oktubre 2025, nag-utos din ang Supreme Court ng pagpapaliban ng halalan dahil sa pagka-unconstitutional ng dalawang districting laws (BAAs 58 at 77), na nagresulta sa pagkaantala ng redistricting legislation. —Jocelyn Tabangcura-Domenden