MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Manila Police District (MPD) para masiguro ang seguridad sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila nitong Pebrero.
Ayon kay MPD Spokesman P/Major Phillip Ines, magtatalaga ang pulisya ng sapat na bilang ng mga magbabantay sa mga lugar sa Maynila, partikular sa Binondo, San Nicolas, Ermita, at Sta. Cruz, na kabilang sa mga dinarayo tuwing ipinagdiriwang ang Chinese New Year.
Magpapatupad ng round-the-clock na pagbabantay para sa mga makikibahagi sa naturang pagdiriwang.
Pinayuhan din ng MPD ang publiko na makikiisa sa selebrasyon at iwasan ang pagdadala o pagsusuot ng mga hindi kinakailangang mamahaling gamit tulad ng mga alahas, at ingatan ang gadgets at pera.
Ito ay bilang pag-iingat laban sa mga mapagsamantalang humahalo sa siksikan ng mga tao upang makapangdukot o makapanglamang sa kapwa.
Sa Linggo, Pebrero 1 pa lamang, magsisimula na ang mga aktibidad para sa Chinese New Year, kabilang ang Asian Food Festival sa Plaza San Lorenzo Ruiz.