MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na maaari na nitong idulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may gagawin silang pakikipag-ugnayan sa NBI patungkol sa pagpapakalat ng pekeng dokumento.
Binigyang-diin ni Castro na hindi biro ang ganitong klase ng pamemeke, lalo na at ang ginawang subject matter ay kalusugan pa ng Pangulo.
Kailangan aniyang siyasatin ng NBI kung saan nanggaling ang impormasyon at matukoy kung sino-sino ang mga nagpapakalat nito, na ang layunin ay magpagulo sa isipan ng mga tao.
Maituturing, ani Castro, na isang destabilisasyon ang paghahasik ng nasabing fake news, dahil isang seryosong usapin ang kalusugan ng lider ng bansa.
Sa mga maling impormasyong ito, maaaring isipin ng publiko na hindi na gumagana o hindi na epektibo ang pamumuno ng Presidente, na siya namang target at ginagamit ngayon ng mga gustong magpaalis kay Pangulong Marcos.