Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-inhibit ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa lahat ng impeachment proceedings laban sa kanya.
Sa isang video na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Pangulo na hindi niya direktang nalaman ang desisyong ito ng kanyang anak mula sa mambabatas. Nalaman niya aniya ito mula sa mga balita.
Magkagayon man, suportado naman ng Pangulo ang desisyon ng kanyang anak, at tinukoy na maaaring maging bias ito sa proseso.
“That is very proper dahil I am his father and syempre, meron siyang bias for me,” wika ni Pangulong Marcos.
Aniya, ang pag-inhibit ni Sandro Marcos ay isang paraan upang matiyak na “walang kinikilingan” at may kredibilidad ang proceedings.
“Tama iyan. He should recuse himself. He should remove himself from the process so that the process can be seen to be fair and proper,” dagdag pa ng Pangulo.
Magugunitang nag-inhibit ang mambabatas sa mga pagdinig na may kaugnayan sa impeachment.
Bagama’t hindi ito kinakailangan sa ilalim ng House rules, iginiit ni Cong. Sandro na bahagi ng responsableng pamumuno ang pag-iwas kung makukwestiyon ang pagiging patas ng proseso.