Manila, Philippines — Iginagalang ng liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang naging desisyon ng Korte Suprema, kung saan pinagtitibay nito ang naunang desisyon ukol sa pagbasura sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na kinikilala ng Kamara ang desisyong ito ng Korte Suprema.
“Kinikilala ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte,” ani Dy.
Paliwanag pa ni Dy, ang impeachment ay proseso aniya na nakasaad sa Saligang Batas at may pamantayan na dapat sundin.
“Ang impeachment ay isang prosesong malinaw na itinatakda ng Konstitusyon at may tiyak na pamantayan. Mahalaga po ang pag-iingat sa proseso ng impeachment—isang pananagutang kaakibat ng mandato na ipinagkatiwala sa atin ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Nauna rito, naghain ng motion for reconsideration ang Kamara matapos ideklara ng Korte Suprema na ang impeachment laban kay VP Duterte ay unconstitutional.
Ito ay kasunod ng paghahain ng ika-apat na impeachment complaints sa Senado laban sa Pangalawang Pangulo, kung saan binalewala ang mga naunang una, pangalawa, at pangatlong reklamo.