MANILA, Philippines – Wala pang legal team si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hahawak ng impeachment complaints na isinampa laban sa kanya sa Kongreso.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi pa napag-uusapan ang bagay na ito.
“Wala po, wala pa po. Hindi pa po napag-uusapan iyon,” ani Castro.
Gayunman, batid naman aniya ng Pangulo ang proseso at susunod lamang siya rito.
“Natanong ko po siya kagabi, pero ang sabi lang po sa atin ng Pangulo ay alam niya ang proseso at susunod lamang siya rito. Ganoon lang po,” aniya pa.
Samantala, ayon sa pinakahuling ulat, posibleng simulan sa unang tatlong araw ng Pebrero ang “initial hearings” kaugnay sa impeachment complaint na inihain laban sa Pangulo, upang mabigyan ng sapat na panahon at atensyon.