MANILA, Philippines – Nanginginig umano sa takot ang kasalukuyang pamahalaan kapag naiisip nila na ang papalit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ay si Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP)-Laban Deputy Spokesperson Atty Ferdinand Topacio sa tanong ng mga mamamahayag kaugnay sa umano’y panggigipit kay Duterte, nang dumalaw ito sa tanggapan ni PDP-Laban Bulacan president Jad Racal sa bayan ng San Rafael nitong tanghali ng Huwebes, Enero 29.
Ayon kay Topacio, inaasahan na nanginginig na ang kasalukuyang gobyerno kapag naiisip nilang papalit kay Marcos ay si Sara sakaling magkaroon ng “regime change” na mapayapa o umabot sa 2028 election.
Aniya, alam nila na kapag si Sara ang naupo ay hahabulin ang lahat ng mga ninakaw, anomalya at kasalanan nila sa sambayanang Pilipino.
Dahil dito, mariing binanggit ng abogado na kung sino-sino ang pinalulutang nila na maaaring ipambato sa pagka-pangulo.
Inihalimbawa niya si Interior Secretary Jonvic Remulla na umano’y deklarado na at Senador Risa Hontiveros na hirap mahalal at kapwa hindi ubra o hindi “viable” at naitanong na sino ba ang mga ito.
“Pero libre naman managinip, hayaan niyo na siya (Hontiveros), eh kung saan siya masaya, eh ang sabi nga ng mga bata, walang basagan ng trip,” dagdag pa niya
Sinusulat ito, sinisikap na kuhanin nang bukas na espasyong ito ang panig ng kabila. Dick Mirasol III