MANILA, Philippines – Isang babae ang natangayan ng cellphone at cash makaraang holdapin ng dalawang kalakihan hanggang sa naaresto ang isa sa follow up operation sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa report, nasa kustodiya na ngayon ng Bacoor Component City Police Station ang naarestong suspek na si alyas Marlon at nahaharap sa Robbery (Hold-Up), at paglabag sa 591 at Section 11, Article II of RA 9165 habang pinaghahanap pa ang kasama nitong si alyas Clark.
Sa ulat, bandang alas-1:00 ng madaling araw nakatayo umano ang biktima sa gilid ng kalsada na nakilala na si alyas Leslie sa Magdiwang Road, Brgy Molino 2, ng nasabing lungsod nang biglang dumating ang mga suspek at dito tinutukan ng patalim ang biktima saka dinala sa isang iskinita.
Nakuha mula sa biktima ang iPhone XR, kinuha ang kanyang GCash account at P3,000 cash.
Dahil sa nakilala ng biktima ang mga suspek ay agad itong nagsumbong sa barangay sa tulong ng pulisya at nagsagawa ng hot pursuit operation hanggang sa naaresto ang isa sa suspek na si alyas Marlon.
Nabawi rito ang iPhone XR ng biktima kasabay ng pagkakakumpiska sa isang sumpak, kutsilyo na ginamit sa panghoholdap at isang gramo ng shabu. MARGIE BAUTISTA