MANILA, Philippines – Maikokonsiderang ‘precursor’ o pauna ng isang explosive eruption ang superheated plume o gas na inilabas ng Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Biyernes, Enero 30.
Ayon kay Mari-Andylene Quintia, resident volcanologist sa Kanlaon Observatory sa La Carlota, namonitor nila ang kaparehong emissions bago ang explosive eruptions ng Kanlaon noong Disyembre 2024, Mayo 2025 at Oktubre 2025.
Naitala ang superheated plume activity sa crater ng Kanlaon sa pamamagitan ng infra-red channels ng Observation Station sa bulkan sa Upper Pantao, Canlaon City sa pagitan ng 6:41 ng gabi at 7:13 ng gabi noong Enero 28.
Ani Quintia, madalas na naitatala ng heat sensitive cameras ang nighttime emissions ng superheated gas mula sa bulkan.
Idinagdag pa niya na ang superheated plume o gas emissions ay maaaring mangyari rin kahit araw bagamat hindi ito makukuhanan ng camera. Hindi rin ito makikita sa mata.
Ang superheated plumes o gas ay nagpapahiwatig ng magmatic activity ng bulkan.
Kasabay nito ay iginiit ni Quintia na kailangang sundin ang 4 km permanent danger zone upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Nananatili sa Alert Level 2 ang babala ng Bulkang Kanlaon. RNT/JGC